Natitirang utang ng PhilHealth, pinababayaran na ng PRC

Hinikayat ng Philippine Red Cross (PRC) ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na bayaran na ang natitira nitong utang.

Ayon kay PRC Chairman at Senador Richard Gordon, nahihirapan din sila lalo’t nakikipagtawaran na sila sa China para makakuha ng mas murang COVID-19 test kits.

Aniya, susubukan niyang maibaba sa P3,300 ang halaga ng COVID-19 testing na mas mura kumpara sa kasalukuyang P4,800 na halaga ng test sa Ninoy Aquino International Airport.


Pero simula sa December 1, P3,800 ang singil para sa COVID-19 test ng mga walk-in patient sa Red Cross.

Sa ngayon, nasa P571 million pa ang utang ng PhilHealth.

Kahit paano aniya ay nagbabayad naman ang ahensya sa PRC ng P100 million kada sampung araw.

Matatandaang itinigil ng PRC ang COVID-19 testing nito sa mga returning Filipino migrant workers matapos na lumobo sa P1 bilyon ang utang ng PhilHealth.

Ipinagpatuloy nito ang testing matapos na mabayaran ng PhilHealth ang kalahati ng utang nito.

Facebook Comments