Nat’l dengue alert, idineklara na ng DOH

Nagdeklara na ang Department of Health (DOH) ng national dengue alert.

Umabot na kasi sa 106,630 ang tinamaan ng sakit sa buong bansa mula January 1 hanggang June 29, 2019.

Mataas ito ng 85% sa parehong panahon noong 2018.


Ngayong taon, umabot na sa 456 ang namatay dahil sa dengue.

Idineklara na rin ng DOH ang epidemic status sa ilang bahagi ng bansa gaya ng Mimaropa, Western Visayas, Central Visayas at Northern Mindanao.

Nasa alert threshold ang Ilocos, Cagayan Valley, Calabarzon, Bicol, Eastern Visayas, Zamboanga Peninsula, Davao, Bansamoro at Cordillera.

Itinaas na rin sa code blue ang lahat ng pampublikong hospital para maging handa sa paggamot sa mga pasyenteng may dengue.

Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III – mainam na gawin ang mga hakbang para maiwasan ang sakit na ito.

Paalala ng DOH na ugaliing gawin ang 4-S Strategy: Search and Destroy Mosquito Breeding Sites; Self-Protection; Seek Early Consultation; Support Fogging.

Karamihan sa mga namamatay sa dengue ay dahil sa kumplikasyon o hindi agad naisusugod sa pagamutan.

Ayon sa World Health Organization (WHO), hindi lamang sa Pilipinas nararanasan ang dengue outbreak.

Isa ang Pilipinas sa binabantayan ng WHO na maaaring tamaan ng epidemiya ng dengue ngayong taon.

Facebook Comments