Isinagawa ngayong umaga sa multi-purpose center sa Camp Crame ang National Joint Security Coordinating meeting sa pagitan ng PNP, AFP at Commission on elections (Comelec).
Ang pagpupulong ay paghahanda para sa idaraos na plebisito sa Mindanao kaugnay sa Bangsamoro Organic Law (BOL) na pinangunahan ni PNP Chief PDG Oscar Albayalde, AFP Chief of Staff Lt. Gen. Benjamin Madrigal at Commission on Elections Chairman Sheriff Abas.
Sa January 21 ang gagawing plebisito sa buong ARMM at mga lungsod ng Isabela, Basilan at Cotabato.
Sa February 6 naman sa mga lalawigan ng Lanao del Norte at North Cotabato.
Una nang inihayag ng PNP Chief na magpapadala ng karagdagang isang batalyon ng Special Action Force (SAF) troopers ang PNP sa Cotabato para tiyakin ang maayos na pagdaraos ng plebisito.
Ito ay dahil sa kinokonsidera ang Cotabato bilang isa sa mga “problem areas” Kung saan mainit ang labanan ng mga pabor at hindi pabor na mapabilang sa Bangsamoro Autonomous Region na siyang papalit sa Autonomous Region of Muslim Mindanao (ARMM).
Una na ring inihayag ni Madrigal na 10,000 sundalo naman ang ide-deploy ng AFP para sa seguridad sa plebisito at naka-standby din ang karagdagang pang tropa kung kakailanganin.