Manila, Philippines – Ipinag-utos na ni Justice Secretary Menardo Guevarra ang imbestigasyon sa nadiskubreng operasyon ng iligal na droga sa New Bilibid Prisons (NBP) sa Muntinlupa.
Inatasan na ni Guevarra ang pamunuan ng Bureau of Corrections (BuCor) at National Bureau of Investigation (NBI), na silipin ang drug-operations na pinatatakbo ng inmates ng NBP gamit ang internet.
Ginawa ng kalihim ang kautusan dahil sa natuklasang drug ring sa Cebu na pinatatakbo ng isang Rustico Ygot na inmate ng NBP.
Nauna nang nagsagawa ng anti-drug operation ang PNP sa Cebu nitong weekend kung saan nadiskubre ang tinatayang P190 milyong halaga ng shabu.
Sa paunang imbestigasyon, sinasabing si Ygot ang nag-uutos sa kanyang kasintahang si Jocelyn Encilla sa isang bahay na monitored closed-circuit television (CCTV) na konektado sa loob ng NBP.
Bago ito, nagkaroon ng magkasunod na operasyon ang mga otoridad sa Cebu kung saan unang nahuli si Elymar Ancajas at nakuha sa kanya ang 18 kilos ng shabu.
Ikinanta ni Ancajas si Encilla na supplier niya ng shabu kung kaya at nagsagawa ng follow-up operation ang PNP.