NATURAL TEXTILE FIBER INNOVATION HUB, NAKATAKDANG ITAYO SA BENITO SOLIVEN, ISABELA

CAUAYAN CITY – Nakatakdang itayo ang Natural Textile Fiber Innovation Hub (NTFIH) sa bayan ng Benito Soliven, Isabela, bilang bahagi ng isang makabagong proyekto sa industriya ng tela.

Pinili ang Benito Soliven bilang unang lokalidad sa buong Rehiyon Dos na magiging tahanan ng naturang proyekto, na layong magtaguyod ng paggamit ng mga natural na yaman, partikular na ang fibers mula sa saging.

Malaking tulong rin umano ang nasabing proyekto sa paglago ng ekonomiya ng nabanggit na bayan at pagbabago sa textile industry bilang pagpapalawak sa mga posibilidad ng paggamit ng banana fiber sa paggawa ng mga tela.

Ang proyekto ay pinangunahan ng Philippine Textile Research Institute (PTRI) at pinondohan sa ilalim ng General Appropriations Act (GAA), isang hakbang na magpapaigting sa pagpapabuti ng lokal na industriya at pagsuporta sa sustainable na produksyon.

Samantala, kamakailan lamang ay nagsagawa ng online meeting ang LGU Benito Soliven kasama ang DOST-Isabela at DOST- PTRI upang pag-usapan ang implementasyon ng nasabing proyekto.

Facebook Comments