Aabot pa lamang sa halos 5 milyon ang bilang ng mga indibidwal na naturukan na ng COVID-19 booster shots.
Sa pagdinig ng House Committee on Health, sinabi ni Department of Health (DOH) Undersecretary Myrna Cabotaje na hanggang nitong Enero 16 ay nasa kabuuang 4,915,091 katao pa lamang ang nakakapagpaturok ng booster doses kontra COVID-19.
Ang bilang na ito ay bahagi ng mahigit 118 million doses ng bakuna kontra COVID-19 na naituturok mula nang gumulong ang vaccination program ng national government noong Marso 2021.
Tinukoy rin na 58.8 million ang nakatanggap na ng first dose at 55.1 million naman ang second dose kasama na rito ang single shot na Janssen vaccine.
Aminado naman si Cabotaje na malaking hamon pa rin sa pagbabakuna ang mga A2 o senior citizen kung saan nasa 70.08% pa lamang ang nakakatanggap ng first dose at 64.39% naman ang fully-vaccinated.
Para naman sa pediatric population o mga bata edad 12 hanggang 17, 15.57% na ang fully vaccinated pediatric na may comorbidity habang 58.44% naman ang fully vaccinated sa nalalabing populasyon ng mga bata.