Nakaligtas ang isang 44-anyos na karpintero matapos tangkaing saksakin ng kaniyang lasing na kapitbahay habang siya ay natutulog sa loob ng kanyang silid sa Brgy. Poblacion Norte, Sison, Pangasinan.
Batay sa paunang imbestigasyon, bigla umanong pumasok sa bahay ng biktima ang 41-anyos na suspek, isang magsasaka, at sinubukang saksakin ang biktima.
Gayunman, nagising ang biktima at nagawang maharang ang patalim kaya’t nagtamo lamang siya ng sugat sa kaliwang kamay.
Agad na isinugod ang biktima sa pagamutan para sa medikal na atensyon at kalaunan ay nakalabas rin.
Samantala, naaresto naman ng mga rumespondeng pulis ang suspek, habang narekober din ang kutsilyong ginamit sa insidente.
Matapos magharap ang dalawang panig sa himpilan ng pulisya, napagkasunduang hindi na magsasampa ng kaso ang biktima ngunit magbabayad pa rin ng kaukulang danyos ang suspek na umano’y “nablangko” dahil sa kalasingan nang nagawa ang tangkang pananaksak.
Nagpaalala naman ang kapulisan sa publiko ukol sa responsableng pag-inom ng alak upang maiwasan ang mga kahalintulad na pangyayari. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










