Navotas Bay Reclamation Project, tinututulan ng mga residente ng Navotas City

Magsasagawa ng pagkilos ngayong araw ang mga residente, mangingisda, nagtatahong gayundin ang mga trabahador sa pangisdaan laban sa itinatayong Navotas Coastal Bay Reclamation Project na gaganapin sa punong tanggapan ng alkalde ng lungsod.

Ang Navotas Coastal Bay Reclamation Project ay isa sa Reclamation Projects sa Manila Bay, na tinawag na Southern Gateway to the Manila International Airport sa Bulacan ng Philippine Reclamation Authority (PRA).

Nasa likod ng proyekto ang Navotas Local Government Unit (LGU) at ang San Miguel Corporation na nagsulong nitong 576-hectare Coastal Bay Reclamation Project.


Sa press statement ng Bagong Alyansang Makabayan o BAYAN Navotas, umaapela ang mga mangingisda at mga residente sa Navotas LGU patungkol sa planong paggiba sa 200 mussel farms at iba pang fishing structures, na lubhang makakaapekto sa tinatayang sanlibong mamamalakaya, mussel growers kasama na rin ang mga trabahador sa Navotas Fish Port.

Kinukuwestiyon din ng mga nasabing grupo ang ginawang pagtanggi ng pamahalaang lungsod upang ma-renew ang permit ng mga mangingisda, gayung nakatutugon sila sa mga itinakdang panuntunan.

Pinalalagda rin umano sila ng Navotas LGU sa isang dokumento na nagsasaad na ang bawat pamilya ng mangingisda ay tatanggap ng pera ngunit hindi nakasulat sa dokumento kung magkano.

Nabatid din na pinagbawalan na sila ng San Miguel Corporation na makapamalakaya sa dati na nilang fishing ground o pinagkukuhanan ng mga isda.

Facebook Comments