Isasailalim sa dalawang linggong lockdown sa buong Lungsod ng Navotas.
Ayon kay Navotas City Mayor Toby Tiangco, simula alas 5:00 ng umaga sa Huwebes, July 16, 2020 hanggang sa July 29, 2020 ay iiral ang total lockdown sa lungsod.
Ang hakbang ng alkalde ay kasunod ng patuloy na pagdami ng kaso ng COVID-19 sa lungsod kung saan nasa full capacity na ang mga health at quarantine facilities sa Navotas.
Batay sa record ng city health office, simula kagabi, July 13, 2020 mayroon nang 981 na total confirmed cases ng COVID-19 sa Navotas.
576 rito ang aktibong kaso, 341 ang gumaling na at 64 ang nasawi.
Bukod sa Navotas, una nang inilagay sa total lockdown ang isang barangay sa Caloocan City.
Ayon kay Mayor Oscar Malapitan, isinailalim sa lockdown ang Barangay 93 simula noong linggo July 12, 2020 hanggang sa July 18, 2020 para mapababa ang kaso ng COVID-19 sa lugar na ngayon ay nasa 28 na.
Samantala, dahil naman sa paglobo ng bilang ng mga menor de edad na nahuhuli sa paglabag sa ibat ibang ordinansa na ipinaiiral dahil sa COVID-19 sa Lungsod ng Maynila, inatasan na ni Manila Mayor Isko Moreno ang Manila Police District at Manila Social Welfare Department na arestuhin at ikulong ang mga iresponsable at mga pabayang magulang sa kanilang mga menor de edad na anak.