Naglabas na ng mga patakaran at paalala ang lokal na pamahalaan ng Navotas sa pagtungo ng publiko sa mga sementeryo bilang paggunita sa Undas 2022.
Bukas ang mga pribado at pampublikong sementeryo, memorial park, o columbarium sa Navotas mula October 30 hanggang November 3 para sa publiko.
Ang mga magtutungo sa mga sementeryo ay kinakailangan muna ng cemetery pass, dalawang araw bago bumisita sa sementeryo.
Para makakuha ng nasabing pass, bisitahin ang official Facebook page ng Navotas at sundin ang guidelines.
Bawat bibisita ay may mga pipiling oras upang hindi magkasabay-sabay at maiwasan ang siksikan sa mga sementeryo.
Ang makukuhang pass ay magagamit ng tatlong tao alinsunod sa schedule na inilagay kung saan ipakikita ito sa entrance ng mga sementeryo kasama ang vaccination card.
Hinihikayat ng Navotas LGU ang publiko na huwag ng magsama ng mga bata at nakatatanda para masiguro ang kanilang kaligtasan at kalusugan kung saan huwag kalimutan pairalin ang physical distancing at pagsusuot ng face mask.