Navotas LGU, nangangailangan ng mga indibidwal para sa “Cash for Work” program

Nangangailangan ng isang libong indibidwal ang pamahalaang lungsod ng Navotas para sa proyekto nito na “Cash for Work” program.

Ayon kay Navotas City Mayor Toby Tiangco, maaari nang mag-apply ang sinumang interesado simula bukas August 24 hanggang 28.

Sinabi ng alkalde, lilimitahan lamang sa 200 applications ang tatanggapin kada araw ng Local Government Unit (LGU).


Pakiusap pa nito hindi tatanggapin ang mga babaeng buntis at iba pang bulnerableng sektor o mga taong madaling mahawaan ng COVID-19.

Ang mga makukuhang qualified applicants ay magtatrabaho sa barangay clean up activities, urban gardening, tree planting at iba pa.

Para maging qualified sa “Cash for Work” program, kailangan nasa 21 hanggang 59 ang edad ng aplikante at registered voter ng Navotas, magdala ng Biodata, dalawang 1×1 ID pictures at kopya ng valid ID.

Facebook Comments