Nawalang beauty queen at Israeli fiancé nito, nagtamo ng tig-dalawang tama ng bala sa katawan, batay sa autopsy – NBI

 

 

May tig-dalawang tama ng bala ng baril sa katawan ang nawalang beauty pageant contestant na si Geneva Lopez at Israeli fiancé nitong si Yitzhak Cohen.

 

Ito ang lumabas sa autopsy na isinagawa ng National Bureau of Investigation (NBI) matapos natagpuan ang labi ng dalawa sa Barangay Sta. Lucia sa Capas, Tarlac nitong Sabado.

 

Batay sa autopsy ng NBI, nagtamo ng tama sa dibdib at kanyang hita si Lopez habang dalawang tama ng bala sa dibdib ang tinamo ni Cohen.


 

Kaugnay nito, isinailalim na sa ballistic examination ang natagpuang bala sa katawan ng beauty queen.

 

Nagsagawa na rin ng DNA testing ang Scene of the Crime Operation (SOCO) sa mga bangkay ng mga ito para masiguro ang kanilang pagkakakilanlan.

 

Samantala, may hawak nang dalawang suspek ang mga awtoridad at base sa inisyal na imbestigasyon ay posibleng away umano sa lupa ang motibo sa krimen.

 

Matatandaang huling nakitang buhay ang dalawang biktima nang bisitahin ang lupang bibilhin sana nila sa Capas noong June 21.

 

Kinabukasan, nakita ang kanilang sinakyang SUV na sinunog habang nawawala ang mga biktima.

Facebook Comments