Nawalang kita ng Gobyerno sa Customs mula 2016 hanggang 2017, sisilipin ng Kamara

Pai-imbestigahan ni House Deputy Speaker Rodante Marcoleta ang nawalang kita ng Gobyerno sa Bureau of Customs mula 2016 hanggang 2017.

Ito ay matapos na pinag-aralan ni Marcoleta ang sistema at mga records ng BOC matapos ang isinagawang imbestigasyon noon ng Kamara sa nailusot na P6.4 Billion shabu shipment.

Ayon kay Marcoleta, a-abot sa P234 Billion ang nawalang kita ng pamahalaan mula Enero 2016 hanggang Nobyembre 2017 dahil sa mga nailu-lusot na kontrabando at mga pekeng produkto.


I-tinuturo ng kongresista sa nakagawiang matagal na sistema sa BOC na “benchmarking” at “tara system” ang pagkalugi ng pamahalaan.

Nakakuha umano si Marcoleta ng sapat na impormasyon na pinapalitan at pinepeke ng mga customs broker ang mga dokumento at packing list ng mga shipment kaya mas mababa ang binabayaran na duties at taxes gayundin ay mabilis na nai-rerelease ang mga kargamento.

Humingi din ng tulong si Marcoleta sa National Bureau of Investigation (NBI) at sa Bureau of Internal Revenue (BIR) na mag-sagawa ng imbestigasyon at auditing sa 283 importers, 166 customs brokers, 272 examiners at 145 appraisers para mabawi pa ang nawalang revenue ng pamahalaan.

Facebook Comments