Nawalang kita sa industriya ng pagbababoy dahil sa epekto ng ASF, pumalo na sa P100-B; DA, kinalampag ng mga pork producers

Tinatayang nasa P100 billion na ang nawawalang kita sa industriya ng pagbababuyan sa bansa dahil sa epekto ng African Swine Fever (ASF).

Nabatid na aabot na sa 70% o limang milyong ulo ng baboy ang nawala sa Luzon dahil sa ASF habang nag-uumpisa na ring tamaan ang ilang babuyan sa Visayas at Mindanao.

Ayon kay Nicanor Briones, Vice President ng Pork Producers Federation of the Philippines, bukod sa ASF, matagal na ring apektado ang mga local hog raiser ng labis na importasyon at pork smuggling.


Aniya, naiwasan sana ang pagpasok ng ASF kung mayroong first border inspection facilities sa Pilipinas.

“Ang isang problema e yung hindi pa rin pagtatayo ng first border inspection facilities, sana maiiwasan yan. Dahil wala tayong inspection, kahit may sakit na dala ang ini-import na baboy, manok, gulay, hindi na natin, nache-check. Siguro tayo lang ang bansang walang first border inspection facilities,” paliwanag ni Briones.

Giit pa ni Briones, maiiwasan sana ang pagkalat ng virus kung noon pa lamang ay naglaan na ng malaking pondo ang Department of Agriculture (DA) para suportahan ang mga apektadong magbababoy.

“Ang kanilang unang ini-allot, P3,000 para sa 20 heads na backyard, ginawang P5,000. Ang sinasabi natin, bayaran lahat ng tatamaan, backyard man o commercial. Hindi nangyari, so yung mga tinatamaan dahil maba-bankrupt ka, mawawala kabuhayan mo, hindi nagde-declare,” ani Briones.

“Ngayon ang ating inirerekomenda, bayaran nila ng P10,000 ang lahat ng tatamaan ng African Swine Fever, kada ulo ng baboy,” dagdag niya.

Naniniwala rin ang grupo na lalong parusa sa mga hog raiser ang iminumungkahing solusyon ng DA sa problema gaya ng importation, price ceiling at price control.

“Pag tayo nag-price control, ang baboy galing sa Visayas, Mindanao, hindi makakarating dito sa Luzon. Kasi ang puhunan doon P180 to P200 na per kilo. Pag dinala mo yan sa Metro Manila, nadadagdagan yan magiging P250 na, pag kinatay yan ng traders at ibinenta sa retailers, P320 na per kilo. E kung gagawin mong P270, P300 ang per kilo e sino ang magbabiyahe papunta sa Luzon nung baboy at sino namang magre-retail, ganyang presyo e siguradong malulugi tayo.”

Facebook Comments