Nawawalang batang Pinoy sa Barcelona terror attack, kabilang sa mga nasawi – DFA, nagpadala na ng opisyal sa Spain para umalalay sa mga sugatang Pinoy

Manila, Philippines – Kinumpirma ng Dept. of Foreign Affairs na ang nawawalang pitong taong gulang na batang lalaking Pilipino ay kabilang sa mga nasawi sa terror attack noong Huwebes sa Barcelona, Spain.

Bunga nito,umaabot na sa labing-apat ang nasawi sa nasabing pag-atake at mahigit isang daan ang mga nasugatan.

Ayon sa DFA, nananatili namang nasa kritikal na kondisyon ang 43-years old na Pilipinang ina ng bata at sumailalim ito sa mga operasyon matapos mabalian ng dalawang binti at isang braso.


Agad naman pinalipad ng DFA patungong Spain si Foreign Affairs Undersecretary for Migrant Workers Affairs Sarah Lou Arriola para tulungan ang mga nasugatang Pilipino.

Bukod sa Pinay na ina ng nasawing bata,nasugatan din sa pag-araro ng sasakyan ng isang terorista sa mga turista sa Las Ramblas tourist district ang dalawa pang Pilipinong naka-base sa Italy at sila ay tinutulungan na ngayon ng Philippine Embassy sa Madrid.

Ito ay kinabibilangan ng isang babae at isang lalaki.

Apat ding Irish citizens na may dugong Pilipino ang nasugatan sa terror attack at sila ay kinilalang sina Norman Potot, asawang si Pederlita; mga anak na sina Nailah Pearl at Nathaniel Paul.

Ang mag-amang Norman at Nathaniel ay nananatiling naka-confine sa Hospital Del Mar sa Barcelona.

Ang amang si Norman ay nagtamo ng minor head injury at hematoma sa kidney o namuong dugo sa kidney kaya patuloy itong ino-obserbahan.

Ang batang lalaki naman ay nagpapagaling na matapos operahan nang mabalian ng binti.

Ang mag-inang Potot naman ay nakalabas na ng ospital.

Facebook Comments