Hinihinalang nilapa ng mga baboy ang isang magbubukid sa Poland na huling nakita noon pang Disyembre 31, ayon sa ulat.
Ayon kay Lubin District Prosecutor Magdalena Serafin, isang residente ang nakadiskubre ng mga buto na pinaniniwalaang mga labi ng nasa 70-anyos na magsasaka.
Natagpuan ang nasabing mga buto, walong araw mula nang huling mamataan ang matanda sa kanyang bukid sa Warsaw.
“We do not know the exact date, but in the period between December 31 and January 8 the victim was eaten by pigs,” salin ng pahayag ni Serafin sa news agency na Gazeta Wrocławska.
Tumawag sa awtoridad ang kapitbahay nang madiskubre ang nasabing mga buto habang papunta sa balon para mag-igib ng tubig.
Suspetiya ng pulisya, maaaring namatay sa atake sa puso o pagkabagok ang matanda, ngunit paniguradong kinain ng mga baboy ang kanyang katawan.
Malayang gumagala ang mga hayop sa bukirin na pinangyarihan ng insidente.
Base pa sa ulat ng Gazeta Wrocławska, halos walang natira sa laman ng biktima, at tanging mga buto na lamang ang naiwan.