Manila, Philippines – Pinaiimbestigahan ni Bayan Muna Rep. Carlos Isagani Zarate ang natuklasan ng Commission on Audit na unrecorded o nawawalang Malampaya Funds.
Sinabi ng kongresista sa pagdinig ng budget ng Department of Energy na aabot sa mahigit 20 Billion ang nawawalang pera sa Malampaya fund habang may 4 Billion naman na hindi ibinayad ang Malampaya sa gobyerno para sa corporate tax.
Malaking tanong para kay Zarate, ay kung kaninong kamay napunta ang pondong ito.
Matagal na umanong nagamit ang pondo pero ngayong 2017 lamang naipasok sa libro na unreported ang Special Allotment Release Order na ito.
Giit ni Zarate, mahalagang malaman kung saan nagamit ang pondo dahil malinaw sa batas na ang malampaya funds ay dapat na gagamitin lamang sa mga proyekto para sa produksiyon ng kuryente.
Paalala pa ng kongresista sa gobyerno, maging masinop sa paggamit ng Malampaya funds dahil hanggang 2022 na lamang ang Malampaya Natural Gas.
Nauna dito ay hugas-kamay ang DOE sa nawawalang pera ng Malampaya at sinabing direkta nilang ini-re-remit ang pera sa Bureau of Treasury.