NBI at Bangko Sentral ng Pilipinas, dapat na magsanib pwersa para labanan ang bank fraud

Iginiit ng isang consumer group na panahon na para magsanib pwersa ang National Bureau of Investigation (NBI) at Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) upang tapusin na ang kaliwa’t kanang kaso ng bank fraud na bumibiktima sa mga kawawang depositor sa bansa.

Ayon kay Jake Silo, secretary general ng consumer group na ACTION sa isang media briefing, dapat palakasin pa ng NBI at BSP ang kampanya nito sa pamamagitan ng pagsalakay sa mga sindikato na nasa likod ng kaso ng bank fraud tulad ng identity theft at phishing.

Dagdag pa ni Silo, dapat din magsagawa ang NBI at BSP ng education campaign sa publiko para maging maingat ang lahat sa pagbigay ng impormasyon tulad ng bank details, passwords at one-time PIN.


Dapat din na turuan ang mga depositor na huwag magbigay ang bank details sa text at lalo na sa social media dahil ito ang tulay ng mga scammers para ma-hack ang kanilang accounts.

Sa kabila nito, pinapurihan naman ng consumer group na ACTION ang NBI dahil nairaos nito ang panahon ng kapaskuhan kung saan walang pumutok na matinding kaso ng bank fraud, tulad ng nangyari noong mga nakalipas na taon.

Dagdag pa ni Silo, ang kawalan ng major bank fraud case ay bunga ng pakikipagtulungan ng NBI sa mga bangko at BSP upang mapigilan na malusutan sila ng mga sindikato, lalo na sa Pasko kung saan maraming pera ang mga empleyado at mga kaanak ng mga Overseas Filipino Worker (OFW).

Gayunpaman, dapat na maging alerto pa rin ang NBI sa mga kaduda-dudang insidente sa mga bangko, lalo na’t posibleng mitsa ito ng malawakang bank scam.

Inihalimbawa ng grupo na dapat daw imbistigahan ng NBI ang nangyari kamakailan sa isang sikat na bangko kung saan nagkagulo ang record ng laman sa bank account ng mga depositor.

Bagama’t naayos din naman ang mga record, dapat imbestigahan ito ng NBI para malaman kung may posibleng system vulnerability ang nasabing bangko na maaaring i-hack ng mga foreign bank syndicate.

Facebook Comments