NBI at CHED, pinakikilos kaugnay sa pagkamatay ng PMMA cadet

Pinakikilos ni Agusan del Norte Rep. Lawrence Fortun ang National Bureau of Investigation (NBI) at Commission on Higher Education (CHED) kaugnay sa kahina-hinalang pagkamatay ng isang Philippine Merchant Marine Academy (PMMA) cadet na si Cadet 4th Class Jonash Bondoc.

Hiniling ni Fortun sa NBI na magsagawa ng “independent investigation” sa pagkasawi ng kadete.

Paliwanag ng kongresista, hindi lamang ito para alamin kung sino ang may kagagawan ng krimen kundi bubusisiin din kung bakit pinapayagan ang ganitong practice sa pagitan ng mga PMMA cadet.


Binigyang diin pa ng mambabatas na hindi lamang pagpapanagot sa mga responsable sa pagkamatay ni Bondoc ang layon ng imbestigasyon kundi para hindi na maulit ang kahalintulad na krimen sa akademya sa hinaharap.

Bukod dito, ipinasisilip naman sa CHED ang mga policies at practices ng akademya gayundin ang posibleng kapabayaan at tolerance ng instructors at officials ng PMMA sa hazing activities.

Martes ng umaga nang matagpuan si Bondoc na walang malay sa restroom ng Alpha Company Barracks pero hindi na ito umabot ng buhay nang maisugod sa ospital.

Nagtamo ng maraming pinsala sa katawan ang kadete at pinaniniwalaang hindi ito simpleng kaso ng homicide kundi hazing.

Facebook Comments