Manila, Philippines – Pinakikilos ni Bagong Henerasyon at House Committee on Public Information Chairman Bernadette Herrera-Dy ang Department of Justice at National Bureau of Investigation na agad imbestigahan ang pagkamatay sa hazing ng 22 anyos na UST Law student na si Horacio Castillo III.
Ayon kay Herrera-Dy ang DoJ at NBI ang mas dapat na magsampa ng kaso dahil mas mapapabilis ang proseso ng pagsisiyasat.
Tanging magagawa lamang din ng gobyerno ngayon ay bilisan ang pagbibigay ng hustisya sa pamilyang Castillo.
Kasabay nito ay hiniling ni Herrera-Dy na aksyunan ang kanyang panukala na House Bill 3467 o ang pagrerebisa ng Anti-Hazing Law.
Sa ilalim ng panukalang ito ay lubusang ipinagbabawal ang hazing o iba pang uri ng pagpapahirap, physical at psychological, bilang initiation sa pagsali sa fraternity o sorority.
Dapat alam ng eskwelahan ang initiation rites dahil may written notice ito pitong araw bago idaos at dapat ay may dalawang kinatawan mula sa paaralan na sasaksi sa proseso.
Kung may lumabag at kapag humantong na sa korte ang kaso, hindi naman pwedeng gamiting depensa na may consent ito mula sa biktima ng hazing.