NBI at PNP, pinapakilos laban sa mga online sellers

Pinapaaresto agad ng Kamara sa National Bureau of Investigation (NBI) at Philippine National Police (PNP) ang mga pekeng online sellers na nagsasamantala sa sitwasyon ng COVID-19 pandemic.

Pinapakilos ni Assistant Majority Leader at Quezon City Representative Precious Castelo ang NBI at PNP laban sa mga “fake online sellers” na talamak ngayon sa internet kung saan marami na sa mga kababayan ang nabiktima.

Kadalasan na ibinebenta ng mga pekeng online-business ang mga COVID-19 related-products tulad ng alcohol, face masks, Personal Protective Equipment (PPEs) at iba pa na kalauna’y scam pala.


Mayroon din aniyang nagbebenta sa online ng mga COVID-19 test kits na hindi aprubado ng Food and Drug Administration (FDA).

Iginiit ng kongresista na may kapangyarihan ang mga law enforcers sa ilalim ng Bayanihan to Heal as One Law na arestushin ang mga nagbebenta ng fake at substandard products ngayong may pandemic, gayundin ang mga magho-hoard, magpapataw ng sobrang taas na singil at dadayain ang mga itinitindang produkto.

Pinapahanapan din ng mambabatas ng paraan ang mga otoridad para maipa-blacklist ang mga bogus sellers sa internet.

Facebook Comments