NBI at PNP, pinatutugis ang mga ilegal na nagbebenta ng printed learning materials ng DepEd

Pinakikilos ni Deputy Majority Leader at Bagong Henerasyon Partylist Representative Bernadette Herrera-Dy ang National Bureau of Investigation (NBI) at Philippine National Police (PNP) na imbestigahan ang ilegal na pagbebenta at distribusyon ng mga printed learning materials na eksklusibo lamang na manggagaling sa Department of Education (DepEd).

Hiniling ni Herrera ang pakikipagtulungan ng mga otoridad para habulin at papanagutin ang mga online sellers at kanilang mga suppliers na nagbebenta ng learning materials na makikita ngayon sa mga kilalang online selling platforms.

Maaari aniyang makasuhan ang mga nasa likod ng pagbebenta ng learning materials ng paglabag sa Copyright Law, kung saan ang hindi otorisadong pagkopya, pamamahagi o distribusyon ng mga copyrighted materials ay mahigpit na ipinagbabawal sa batas.


Hinimok ni Herrera na alamin kung may mga indibidwal ba na nagnanais na i-sabotahe ang efforts ng gobyerno para sa pagsusulong ngayon ng distance at blended learning bunsod na rin ng COVID-19 pandemic.

Giit ng mambabatas, kailangan na maresolba ito dahil kapakanan ng mga estudyante at ang edukasyon ng bansa ang nakasalalay rito.

Facebook Comments