Iginiit ni House Ways and Means Committee Chairman and Albay, 2nd District Rep. Joey Sarte Salceda na itigil na ang pagkuha ng clearance mula sa Philippine National Police (PNP) at National Bureau of Investigation (NBI).
Ani Salceda, hindi makatwiran na patunayan ng isang law abiding citizen na wala siyang kaso o criminal record.
Diin pa ni Salceda, ang pagkuha ng police at NBI clearance ay dagdag gastos din sa mamamayan lalo na sa mga nag-a-apply sa trabaho at nakaaabala rin ito sa pagtupad ng mga alagad ng batas sa kanilang tungkulin.
Ang mungkahi ni Salceda ay kasunod ng report na mahigit 1 million na personal records na nakaimbak sa database ng PNP ang nakompromiso na naglalaman ng fingerprint, birth certificate, education transcript at iba pa.
Para kay Salceda, hindi dapat nagtatago ng personal data ang PNP at iba pang law enforcement agencies, bukod pa sa wala naman silang kapasidad na pangalagaaan ang naturang datos.