NBI, binabantayan ang mga opisina ng PhilHealth para mapigilan ang pagsira ng mga dokumentong kaugnay sa anti-corruption investigation

Binabantayan na ng National Bureau of Investigation (NBI) ang lahat ng opisina ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa buong bansa para mapigilan ang posibleng pagsira sa mga ebidensya at dokumentong kailangan para sa imbestigasyon sa umano’y katiwalian sa ahensya.

Ang kautusan ay inilabas noong Huwebes, August 20, 2020 kung saan sakop ang regional offices ng NBI.

Ayon kay NBI Officer-In-Charge Director Eric Distor, mahigpit ang kanilang pagbabantay sa main office ng PhilHealth at regional offices nito.


Aniya, nakatanggap sila ng mga ulat may mga nagtatangkang sirain ang mga ebidensya.

May NBI agents na ang naka-deploy sa mga opisina ng PhilHealth at nakikipag-coordinate na sa mga miyembro ng security.

Mahalagang malaman ang bawat ilalabas o itatapong dokumento.

Batid na ni Department of Justice (DOJ) Secretary Menardo Guevarra ang hakbang ng NBI.

Si Guevarra ang Convenor ng Task Force PhilHealth na binuo noong August 7, 2020 alinsunod sa direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte na imbestigahan ang state run insurer.

Facebook Comments