NBI, dapat magpaliwanag sa umano’y hindi maayos na pagtrato sa media habang inaaresto si Maria Ressa

Manila, Philippines – Ikinabahala ni Senator Grace Poe ang lumabas na reports na pinagbawalan umano ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation o NBI ang mga kasapi ng media na i-cover ang pag-aresto kay Rappler CEO Maria Ressa.

Ayon kay Poe, dapat ipaliwanag ng NBI ang kanilang aksyon dahil ang nangyari ay hindi naman isang ongoing police investigation na maaring magdulot ng panganib sa mga mamamahayag.

Bilang chairperson ng Committee on Mass Media and Public Information, sinabi ni Poe na ang nabanggit na hakbang ay maaring magdulot ng chilling effect o pangamba sa panig ng mga kasapi ng media.


Nagpahayag naman ng kalungkutan si Senator Nancy Binay sa mga hakbang para patahimikin, atakehin, sindakin o limitahan ang galaw ng mga mamamahayag sa mga bansang may umiiral na demokrasya.

Paalala ni Binay, ang kalayaan sa pamamahayag ay ipinaglaban at muling nating nakamit noong 1986 bilang haligi ng tinatamasa nating demokrasya.

Facebook Comments