NBI detainee na si Jad Dera at anim na NBI security personnel, kinasuhan na ng DOJ

Sumailalim sa inquest proceedings sa Department of Justice (DOJ) ngayong hapon ang National Bureau of Investigation (NBI) detainee na si Jad Dera at anim na NBI security personnel.

 

Ayon kay Atty. Mark Anthony Te, abogado ni Dera, reklamong corruption of public officials ang isinampa rito habang paglabag sa graft and corrupt practices act at bribery naman ang isinampa sa anim na security officers.

 

Matatandaang noong isang gabi ay inaresto ng NBI ang drug suspect na si Dera at ang anim na kasabwat nito sa NBI matapos matuklasang nakalabas ang inmate mula sa detention cell para makakain sa isang hotel sa Makati City, at di umano’y nakipag-date pa raw sa isang babae.


 

Inihayag naman ni Te, na nag-file sila ng waiver ng Article 125 para makapaghain ng counter-affidavit.

 

Ibig sabihin, hindi na muna maisusumite ang resolusyon ng kaso at hihintayin pa nila ang counter-affidavit para sagutin ang mga reklamo laban dito.

 

Nilinaw rin ni Te na hindi tumakas Dera at pinayagan itong lumabas sa compound para magpa-checkup sa doctor.

Facebook Comments