Cauayan City, Isabela- Idineklarang Persona non Grata ang NBI Director ng Isabela na si NBI in Charge Timoteo ‘Tim’ Rejano ng League of Mayors Isabela Chapter.
Batay sa Resolution na ipinalabas at pirmado ng karamihan sa mga alkalde ng Isabela, ito’y dahil sa pakikialam at mistulang pagkatig nito sa operasyon ng Small Town Lottery (STL) na matinding tinututulan ng pamahalaang panlalawigan ng Isabela.
Ayon pa sa resolution number 1 Series of 2021, tinatawagan umano at kinasuhan ang ilang mayors ng Isabela upang payagan ang Operasyon ng STL sa kanilang mga bayan taliwas sa kagustuhan ng pamahalaang panlalawigan sa pamamagitan ng isang Executive Order na ppirmado ng Gobernador.
Magugunita na ilang beses na rin ipinatawag ang may hawak ng prangkisa sa operasyon ng STL sa Isabela sa Sangguniang Panglungsod upang pagpaliwanagin hinggil sa ilang mga usapin tungkol sa mga dapat umanong bayaran ng SAHARA Gaming Corporation na siyang nabigyan ng prangkisa ng PCSO upang patakbuhin ang operasyon ng STL sa Isabela.
Nais din ng Gobernador na itigil muna ang operasyon ng STL lalo na ang pagpapataya sa mga bahay-bahay dahil maaaring makapagkalat ng COVID19 ang mga kubrador kaya’t pansamantalang ipinahinto ang operasyon nito.
Nagmimistulang tauhan na umano si Rejano ng Sahara Gaming Corp para takutin ang mga kapitan at mga mayors upang maipagpatuloy ang operasyon ng STL sa Isabela.
Tumanggi naman si Rejano na magkomento hinggil sa pagkakadeklara niya bilang persona non grata ngunit dismayado ang naturang opisyal sa naging hakbang ng liga ng mga Mayors sa Isabela.