NBI, dumistansya muna sa imbestigasyon sa dalawang Chinese nationals na naaresto sa kwestiyonableng clinic sa Clark, Pampanga

Hindi muna papasok ang National Bureau of Investigation (NBI) sa imbestigasyon kaugnay ng pagkakaaresto sa dalawang Chinese nationals na sangkot sa iligal na operasyon ng tagong clinic sa Clark Freeport Zone sa Pampanga.

Ang naturang clinic ay sinasabing para lamang sa Chinese citizens na tinamaan ng COVID-19.

Naniniwala si Department of Justice Secretary Menardo Guevarra na sa ngayon ay sapat na ang isinasagawang koordinasyon ng Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) at Bureau of Immigration (BI).


Ayon kay Sec. Guevarra, papasok lamang ang NBI sa pagtunton sa iba pang Chinese na kasabwat sa nasabing operasyon.

Nahaharap ngayon ang dalawang naarestong Chinese sa mga kasong paglabag sa Republic Act 9711 o ang Food and Drug Administration Act at paglabag sa Republic Act 2382 o ang Medical Act.

Nasa kustodiya ng PNP- CIDG Region 3 ang mga naarestong Chinese nationals at dinala na sa Camp Olivas sa San Fernando City, Pampanga.

Samantala, inilipat naman sa ibang ospital ang pasyenteng Chinese na inabutan sa naturang ospital na hinihinalang positibo sa COVID-19.

Facebook Comments