Ilalabas ngayong linggo ng National Bureau of Investigation (NBI) ang resulta ng forensic examination na isinagawa sa labi ng flight attendant na si Christine Dacera.
Matatandaang inatasan ng Department of Justice (DOJ) ang NBI na magsagawa ng imbestigasyon sa pagkamatay ni Dacera na natagpuang patay sa bath tub ng unit 2209 sa City Garden Hotel sa Makati City noong January 1.
Ayon kay Justice Secretary Menardo Guevarra, alam na ng NBI investigators ang pangalan ng mga taong nakarehistro sa reception at mukha at pangalan ng iba pang mga tao sa room 2207.
Iginiit ni Guevarra na ang initial investigation na ikinasa ng Makati Police ay hindi pulido.
Tingin pa ng kalihim, mas bibilis ang case build-up kapag hiwalay na kumikilos ang NBI.
Ang Makati City Prosecutors Office ay naglabas ng resolusyon kung saan nakukulangan sila sa ebidensyang isinumite ng pulisya para sa paghahain ng reklamo laban sa 11 lalaking inakusahan ng rape with homicide hinggil sa pagkamatay ni Dacera.
Ang preliminary investigation sa mga reklamo ay sisimulan na bukas, January 13.