Friday, January 30, 2026

NBI, iniimbestigahan na ang kumakalat na pekeng ‘medical report’ ni PBBM online

Iniimbestigahan na ng National Bureau of Investigation (NBI) ang kumakalat na pekeng medical report na iniuugnay kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Ito ay matapos kumalat sa social media ang nasabing dokumento na agad namang itinanggi ng Malacañang at ng St. Luke’s Medical Center.

Ayon kay NBI Spokesperson Palmer Mallari, nakikipag-ugnayan na ang ahensya sa St. Luke’s Medical Center, ang ospital na pinuntahan kamakailan ng Pangulo.

Bagama’t wala pa umanong pormal na kahilingan mula sa Malacañang, iniutos na ni NBI Acting Director Lito Patria Magno ang pagsasagawa ng masusing imbestigasyon.

Kabilang sa tinututukan ng NBI ay kung paano kumalat online ang umano’y medical test results na tinawag ng Palasyo na peke at posibleng bahagi ng isang destabilization effort.

Nauna na ring pinabulaanan ng St. Luke’s Medical Center ang nasabing dokumento at iginiit na mahigpit nilang sinusunod ang patient confidentiality at data privacy policies.

Samantala, kinondena rin ng Presidential Communications Office ang pagkalat ng mga pekeng dokumento laban sa Pangulo na hindi nagmula sa anumang lehitimong pagsusuri.

Babala ng Malacañang, pinag-aaralan na ang posibleng legal na hakbang laban sa mga nasa likod ng pagpapakalat ng maling impormasyon.

Facebook Comments