Manila, Philippines – Kasong murder at administratibo ang inirekomenda ng National Investigation Bureau sa dalawang pulis na nakapatay sa isang sundalong nagbakasyon mula sa tatlong buwang pakikipagbakbakan sa Marawi City.
Ayon sa NBI, walang senyales na lumaban si Cpl. Rodilo Bartolome bago siya ratratin ng armalite nina PO2 Ronald Zeros at PO1 Michael Bulanday noong Agosto 23 sa Barangay Monte Alegre, Aurora, Zamboanga Del Sur matapos mapagkamalan umano na isang gun for hire ang sundalo.
Ang rekomendasyon ay base na rin sa imbestigasyon na isinagawa ng NBI sa nangyaring insidente.
May tatlong testigo ang Bureau na nagpatunay na hindi lumaban at hindi bumunot ng baril si Bartolome taliwas sa sinabi ng dalawang pulis.
Nauna nang inirekomenda ng PNP-CIDG region 9 ang pagsasampa ng kasong murder sa dalawang pulis.