Cauayan City, Isabela- Kinumpirma ng National Bureau of Investigation (NBI) Isabela ang pagkadakip sa 2 babae na nagpapanggap na dentista matapos ang ikinasang entrapment operation noong biyernes, July 16, 2021 sa Barangay District 1, Cauayan City, Isabela.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay NBI Provincial Director Christopher Mesa, isang dating estudyante ng kursong Hotel and Restaurant Management at isang hindi lisensyadong Dental Hygienist ang dawit umano sa nasabing pag-practice sa pagiging isang tunay na dentista.
Una rito, nagpain ng “asset” ang NBI sa nasabing mga suspek para sumailalim sa cleaning operation ng ngipin at magpositibo ang sumbong ng mga unang biktima hanggang sa dakpin sila ng mga operatiba.
Ayon pa kay Mesa, pawang mga empleyado ng naturang dental clinic kung saan isinagawa ang cleaning procedure sa mga ngipin ng ilang pasyente subalit ng maganap ang nasabing entrapment operation ay wala umano ang mismong dentista kung kaya’t inaalam ang posibleng dahilan kung bakit ginawa ng mga suspek ang illegal practice na pawang mga residente ng San Mariano, Isabela.
Sa kasalukuyan ay nasa pangangalaga pa rin ng NBI Isabela ang mga suspek na nakatakdang magpiyansa ng P30,000 bawat isa para sa kanilang pansamantalang kalayaan matapos ang kasong paglabag sa Philippine Dental Act of 2007 na kanilang kinasangkutan.
Samantala, nagbabala naman ang NBI sa lahat ng mga taong magpapanggap na dentista para makapanloko ng kapwa.