
Kinumpirma ng National Bureau of Investigation (NBI) na nakalaya na si Mayor Abundio Punsalan Jr. ng San Simon, Pampanga.
Si Punsalan ay inaresto noong isang buwan dahil sa umano’y extortion.
Ayon kay NBI Director Jaime Santiago, ang paglaya ni Punsalan ay dahil sa desisyon ng Muntinlupa Regional Trial Court Branch 206 ang inihaing habeas corpus ng kampo ng alkalde.
Aniya, hindi agad naaksyunan ng Ombudsman ang inihaing resolusyon ni Prosecutor General Richard Anthony Fadullon dahil sa pagpapalit ng liderato ng Ombudsman na sinamantala ng kampo ng mayor upang maghain ng habeas corpus petition.
Kaya nang maghanap ng ‘information’ ang korte, ani Santiago, wala silang maipakita.
Kailangan kasing maaksyunan muna ng Ombudsman ang resolusyon at ihain ito sa Sandiganbayan upang makapag-isyu ng arrest warrant laban kay Punsalan.
Pero kung muli mang maaaresto ang alkalde, maaari pa rin siyang makalaya dahil bailable ang kaniyang mga kaso.
Matatandaang inaresto si Punsalan kasama ang isang doktor na nagsilbi umanong middleman at mga bodyguard nito, sa entrapment operation ng NBI matapos tanggapin ang P30M inisyal na suhol.









