NBI, marami pang kakasuhan kaugnay sa ‘pastillas’ scam

Posibleng lumagpas pa sa 40 ang sasampahan ng kaso ng National Bureau of Investigation o NBI kaugnay sa ‘pastillas’ scam sa Bureau of Immigration o BI.

Sinabi ito ni NBI Special Action Unit Chief Atty. Emeterio Dongallo sa pagdinig ng Senado na pinamunuan ni Senator Risa Hontiveros.

Una nang kinasuhan ng NBI ang 19 na tauhan at opisyal ng BI na sangkot sa scheme.


Sinabi naman ni NBI OIC Eric Distor na isolated case lang ang pagkakasangkot sa ‘pastillas’ scam ng kanilang legal assistance chief na si Atty. Joshua Paul Capiral.

Si Capiral ay dinakip sa pamamagitan ng entrapment operation sa umano’y pagtanggap nito ng suhol mula sa mga taga-Immigration na sangkot sa raket.

Hinggil dito ay binalaan ni Senator Christopher Bong Go ang mga tiwaling opisyal at empleyado ng Bureau of Immigration na huwag na nilang hintayin na ipalunok sa kanila ni Pangulong Rodrigo Duterte ang totoong pera na nakabalot nang parang pastillas.

Sinabi ni Go na sawang-sawa na si Pangulong Duterte sa mga naririnig niyang isyu ng korapsyon at iba pang katiwalian sa BI at iba pang ahensiya ng gobyerno.

Facebook Comments