May natuklasan pa ang National Bureau of Investigation (NBI) sa ginawa nitong awtopsiya sa mga labi ng Pinay OFW na si Jeanelyn Villavende na pinatay ng kanyang employer sa Kuwait.
Ayon kay Justice Secretary Menardo Guevarra – halos parehas ang autopsy results ng NBI at ng Kuwaiti government kung saan nagtamo si Jeanelyn ng multiple, severe, at traumatic injuries.
Aniya, si Villavende ay binugbog hanggang sa mamatay.
Maliban dito, lumabas sa NBI autopsy report na nakitaan ng laceration o hiwa sa ari at puwit ang biktima.
Pero sinabi ni Guevarra na hindi pa nila masabi kung ginahasa si Jeanelyn at malalaman lamang ito sa laboratory results.
Base rin sa report na ang utak, puso at tiyan ng biktima ay nawawala, kung saan una siyang isinailalim sa awtopsiya ng Kuwait bago ibalik ang mga labi nito sa Pilipinas at masuri ng NBI.