
Kinumpirma ng National Bureau of Investigation (NBI) na mayroon na silang reliable leads sa kinaroroonan ng gaming tycoon na si Charlie ‘Atong’ Ang.
Ayon kay NBI Spokesperson Palmer Mallari, ito’y sa gitna ng manhunt operation laban kay Ang matapos ang inisyung arrest warrant kaugnay ng missing sabungeros case.
Ani Mallari, may mga mapagkakatiwalaan silang source ngunit hindi muna nila ito ide-detalye.
Tumanggi rin siyang magbigay ng karagdagang detalye upang hindi makompromiso ang mga operasyon.
Kahapon, sinuyod ng NBI Laguna District Office ang isa pang farm sa San Pablo kasunod ng impormasyong baka umano doon nagtatago ang wanted na negosyante.
Samantala hindi naman inaalis ng Bureau of Immigration (BI) ang posibilidad na nakalabas na ng Pilipinas si‘Atong’ Ang ngunit pagtitiyak nila na mahigpit ang kanilang pagmamando at pagbabantay sa mga exit points ng bansa.
Una nang sinabi ng ahensya na batay sa kanilang official record ay hindi pa nakalalabas ng bansa si Ang na kasalukuyang may Immigration Lookout Bulletin Order (ILBO) na wanted sa mga kasong kidnapping at serious illegal detention.










