NBI, nagbabala sa mga unibersidad hinggil sa mga hacker na napapasok ang kanilang data base

Nagbabala ang National Bureau of Investigation (NBI) sa mga unibersidad at iba pang paaralan hinggil sa mga hacker na napapasok ang data base ng kanilang mga estudyante.

Ito’y kasunod ng pagkaka-aresto sa isang 21-anyos na hacker mula sa Quezon City na nakilalang si John Rayven Aquino.

Ayon kay NBI Cybercrime Divison Chief Victor Lorenzo, na-hack ng suspek ang mga account ng 100,000 na estudyante mula sa iba’t ibang paaralan at unibersidad.


Sinabi ni Lorenzo na may nag-utos umano sa suspek na kopyahin ang mga e-mail at password ng mga estudyante kung saan ang makukuhang impormasyon ay kanilang ibebenta.

Nabatid na natagpuan ng NBI ang mga script at program para sa hacking sa laptop ni Aquino.

Dagdag pa ng opisyal, na-e-edit ng hacker ang database ng paaralan kung kaya’t maaaring mabago ang grades at makopya ang modules pati ang mga exam kaya’t posibleng makompriso ang integridad ng e-learning.

Hinikayat naman ni NBI Director Eric Distor ang pamunuan ng mga unibersidad at iba pang paaralan na agad na i-report ang mga kaduda-dudang aktibidad na may kinalaman dito upang agad na mahuli ang mga may sala.

Facebook Comments