Naghain ang National Bureau of Investigation (NBI) ng bagong criminal complaint laban sa mga opisyal ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) at sa isang dialysis provider hinggil sa umano’y iregularidad sa pagpapatupad ng Interim Reimbursement Mechanism (IRM).
Kabilang sa mga nahaharap sa bagong reklamong graft at misappropriation ng PhilHealth funds sa Office of the Ombudsman ay sina dating PhilHealth Chief Ricardo Morales, Executive Vice Presidents Arnel de Jesus at Renato Limsiaco, Senio Vice President Israel Francis Pargas, at 10 iba pang PhilHealth officers.
Nagsampa rin ang NBI ng administrative complaints laban sa kanila para sa grave misconduct at gross negligence.
Isinama rin bilang respondents ang mga officer ng B. Braun Avitum Philippines.
Ayon sa NBI, ang reklamo ay dahil sa irregular na paglalabas at paggamit ng 33.8 million pesos na IRM funds na ibinigay sa B. Braun Avitum.
Ang kumpanya ay tumanggap ng IRM funds bago naging epektibo ang PhilHealth circular para sa IRM.
Sinabi rin ng NBI na mayroong 38 million na ginamit para sa reimbursement ng claims para sa hemodialysis procedures.
Aabot sa 15.9 million pesos na IRM funds ang natanggap ng B. Braun Avitum Philippines.