
Nagsasagawa na ng backtracking ang National Bureau of Investigation (NBI) sa mga naging gawain ng dalawang suspek sa pamamaril sa Bondi Beach.
Ayon kay NBI Spokesperson Palmer Mallari, nakikipag-ugnayan na ang NBI sa Bureau of Immigration (BI) at Armed Forces of the Philippines (AFP) upang matukoy ang mga naging gawain ng mag-amang suspek sa pamamaril sa Bondi Beach sa Australia.
Kasama umano sa mga aalamin ng NBI ang lahat ng mga lugar na pinuntahan ng mag-ama, mga nakausap, nakatransaksyon, at mga ginawa habang nananatili sa bansa.
Hindi naman isinasantabi ang posibilidad na sumailalim ang mga suspek sa military-style training sa bansa at posibleng may impluwensya ng Islamic State ideologies kaya nagawa ang krimen.
Ani Mallari, ito ang dahilan kung bakit kailangang magsagawa ng backtracking dahil masyado aniyang mahaba ang halos isang buwang pamamalagi ng mag-ama bago tumulak pa-Sydney.
Matatandaang kinumpirma ng BI na umalis sina Sajid Akram at Naveed Akram patungong Sydney mula Davao noong Nobyembre 28.









