Dumating na sa Department of Justice (DOJ) ang mga miyembro ng National Bureau of Investigation (NBI) para sa inaasahang paghahain ng mga reklamo laban kay suspended Congressman Arnolfo Teves Jr.
Ito ay kaugnay pa rin sa pagkakapatay kay Negros Oriental Governor Roel Degamo, sa sampung nadamay na namatay rin at sa iba pang mga nadamay o nasugatang mga sibilyan.
Matatandaang nauna nang sinabi ni Justice Secretary Crispin Remulla na kabilang sa mga ihahaing reklamo ay 10 counts ng murder, multiple frustrated murder at multiple attempted murder.
Tiniyak naman ni Remulla na marami silang hawak na matitibay na mga ebidensya kaya tiyak aniyang madidiin si Teves sa pagpatay kay Governor Degamo.
Bitbit ng mga tauhan ng NBI kasama si Director Medardo de Lemos ang mga dokumento at mga salaysay ng mga suspek at mga testigo na gagamiting ebidensya sa reklamo.