Nakausap na ng National Bureau of Investigation (NBI) ang taxi driver na naging service ng nawawalang abogado na si Atty. Ryan Oliva na isang legislative liaison officer sa Department of Tourism (DOT) at isa ring professor sa University of the Philippines (UP) College of Law.
Ayon kay NBI Special Action Unit Chief Atty. Emeterio Dongallo Jr., inihayag sa kanila ng hindi na pinangalanang taxi driver na naisakay niya si Oliva sa tapat ng isang mall sa Pasay City at nagpahatid ito sa isang resort sa Barangay Wawa, Nasugbu, Batangas kapalit ng bayad na P2,500.00 noong November 22, 2020.
Kwento pa ng taxi driver, nagpahintay sa kaniya si Oliva ng halos 3 oras hanggang sa isang tricycle driver naman ang nagsabi sa kaniya na maaari na siyang bumalik ng Maynila.
Kinumpirma mismo ni Dongallo na nakausap na nila ang tricycle driver at inamin nito na inutusan nga siya ni Oliva para kausapin ang naghihintay na taxi driver.
Matatandaan na nitong Biyernes ay natagpuan sa dalampasigan ng Occidental Mindoro ang bag ni Oliva na naglalaman ng kaniyang ATM cards, credit cards at iba pang identifications cards.
Hinala ng NBI na posibleng nagtungo sa Lubang Island si Oliva kung saan sumakay ito sa port ng Calatagan, Batangas pero kanila pa rin itong kukumpirmahin.
Ginagawa na sa ngayon ng NBI ang lahat upang matagpuan si Oliva habang umaasa naman ang pamilya at mga kaibigan ng abogado na nasa maayos itong kalagayan.