Kinumpirma ng National Bureau of Investigation (NBI) na sisimulan na nilang mangalap ng mga impormasyon kaugnay sa isang netizen na planong ireklamo o kasuhan ng singer-actress na si Sharon Cuneta.
Ipinaliwanag naman ni NBI Cybercrime Division Chief Vic Lorenzo na sa ngayon ay wala pang pormal na reklamong inihain si Cuneta, pero ngayon pa lamang ay sisikapin na nilang matukoy ang pagkakakilanlan at lokasyon ng netizen na sinasabing nambully sa anak nina Sharon at Senator Francis Kiko Pangilinan na si Frankie Cuneta-Pangilinan.
Una nang sinabi ng Megastar na naniniwala siya na posibleng nasa London ang netizen na nambubully sa kanyang anak.
Una na ring nilinaw ni Justice Secretary Menardo Guevarra na personal na kaibigan ni Sharon, na kung ang elemento ng krimen ay ginawa sa cyber space o sa social media na isang boarderless ay pwede ihain ang kaso sa Department of Justice (DOJ) sa Pilipinas kahit nasa ibang bansa ang irereklamo.
Naging kontrobersyal si Frankie matapos siyang magpost sa Facebook kaugnay sa pananamit ng mga babae at rape issue.
Agad naman nagkomento ang isang “Sonny Alcos” na kung dose anyos lang siya ay rereypin niya si Frankie, tutal naman daw ay protektado siya ng batas na pumapabor sa mga menor de edad na ang may akda ay ang mismong ama ni Frankie na si Senator Francis Kiko Pangilinan.