Nananawagan ang National Bureau of Investigation sa mga bumili ng pekeng NBI identification cards at iba pang credentials na agad itong i-surrender sa ahensya.
Ito ang apela ni NBI deputy Director for Counter Intelligence Sixto Burgos kasunod narin ng pagkaka aresto sa mag-asawang nahuling nagbebenta ng mga fake NBI documents.
Babala ni Burgos, kapag hindi isinuko ng mga nakabili ng NBI fake documents ay maaari silang makasuhan.
Kabilang sa mga naglipanang NBI fake documents ay ID, badge at permit to carry.
Sinabi pa ni Burgos na tukoy na rin nila kung sino sino ang mga parokyano ng mag-asawang sina Shirley at Solomon Viloria na kadalasan ay mga businessman.
Ang mag-asawa ay naaresto sa ikinasang entrapment operation ng NBI Huwebes ng gabi.
Paliwanag ng NBI ang mga pekeng ID at iba pang documents ay ibinebenta sa mga interesado na maging miyembro ng NBI civilian agent group.
Habang ang NBI ID, mission order at permit to carry firearms ay ibinebenta mula P10,000 hanggang P45,000
Nabatid na si Solomon ay empleyado ng Office of Civil Defense ng DND.
Ang mag-asawang Viloria ay nahaharap ngayon sa paglabag sa RA 10591 o illegal possession of firearms habang si Solomon ay nahaharap pa sa bukod na reklamo sa ilalim ng paglabag sa revised penal code o article 172 (falsification of documents) article 177 (usurpation of authority) at article 179 (illegal use of insginia).