
Tuloy-tuloy pa rin ang manhunt operation ng National Bureau of Investigation (NBI) laban sa negosyanteng si Charlie “Atong” Ang, sa kabila ng impormasyong inilabas ng whistleblower na si Dondon Patidongan na umano’y nasa Cambodia na ang gaming tycoon.
Ayon kay NBI Acting Director Lito Magno, nananatiling nakakalat ang kanilang mga tauhan sa iba’t ibang lugar para sa pagsuyod at pagsisilbi ng warrant of arrest laban kay Ang.
Ani Magno, sinisilip at inaalam din ng NBI ang ilan pang negosyo ni Ang, pati na ang mga kalapit na kakilala at kaibigan nito, bilang bahagi ng pinalawak na imbestigasyon.
Nauna nang sinabi ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na bineberipika na ng mga awtoridad ang impormasyong maaaring nasa Cambodia o Thailand ang negosyante, kasunod ng salaysay ni Julie Patidongan, na tumatayong star witness sa kaso ng mga nawawalang sabungero.










