NBI, pinakilos na ng DOJ sa kumalat na video clip daw ni Jessica Soho hinggil sa planong total lockdown sa bansa

Naatasan na ng Department of Justice (DOJ) ang National Bureau of Investigation (NBI) na imbestigahan ang kumakalat na audio recording daw ni Journalist Jessica Soho hinggil sa sinasabing implementasyon ng total lockdown sa buong bansa.

Ayon kay Justice Sec. Menardo Guevarra, si USec. Adrian Sugay ang makikipag-ugnayan sa NBI para sa pormal na imbestigasyon sa lalong madaling panahon.

Ang NBI investigation ay hiwalay pa sa sariling imbestigasyon ng Philippine National Police (PNP) na naglalayong tukuyin kung sino ang gumawa at nagpakalat ng nasabing audio clip.


Una nang tinawag ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na fake news ang nilalaman ng nasabing audio clip.

Ayon kay DILG USec. Jonathan Malaya, wala pa namang desisiyon ang Pangulo patungkol sa binabanggit na total lockdown sa audio clip.

Sa inilabas na pahayag ng GMA Network, nilinaw nito na hindi si jessica soho ang babaeng nasa audio clip.

Hindi rin, anila, gumagawa ng ganitong klaseng pahayag si Ms. Soho. Nanawagan din ito sa publiko na huwag nang i-share ang naturang voice clip dahil magdudulot ito ng karagdagang kalituhan sa publiko.

Facebook Comments