NBI, pinapa-aksyon ni Senator Risa Hontiveros laban sa online sexual exploitation sa mga bata

Nakarating sa opisina ni Senator Risa Hontiveros na mayroong mga Facebook pages kung saan naka-post ang napakaraming mahahalay na larawan ng mga babaeng bata.

Sa pamamagitan ng isang open letter sa National Bureau of Investigation (NBI), hiniling ni Hontiveros na i-take down ang nabanggit na mga Facebook pages na humihikayat at nagpapakita ng kalaswaan sa mga menor de edad.

Giit ni Hontiveros sa NBI, alamin kung sinu-sino ang mga taong nagpapatakbo ng nabanggit na mga social media account at agad tugisin at kasuhan.


Diin ni Hontiveros, kailangang umaksyon agad ang NBI dahil may mga reports na nagsasabi na pwedeng tumindi pa ang online sexual exploitation sa mga bata sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Nanawagan din si Hontiveros sa Facebook na gamitin ang resources nito at teknolohiya at maglatag ng mekanismo para mapigilan ang mga krimen laban sa mga kabataan.

Diin ni Hontiveros, kailangan tiyakin ang kaligtasan sa online space ng mga bata lalo na ngayong mas marami ang oras na ginugugol nila sa social media.

Inalerto din ni Hontiveros ang mga magulang at publiko na maging mapagmatyag at agad isumbong ang anumang uri ng pambibiktima sa mga bata.

Facebook Comments