NBI, tiniyak na ginagawa ang lahat para mahuli si dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo

Kumpiyansa ang National Bureau of Investigation (NBI) na katuwang ang Department of Justice (DOJ) at Bureau of Immigration (BI) na matutunton at mahuhuli si dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.

Ayon kay NBI Dir. Jaime Santiago, ginagawa ng tatlong ahensya ang lahat para matukoy ang kinaroroonan ngayon ni Guo.

Siniguro din ni Santiago na magiging transparent sa imbestigasyon at tatalima sa kautusan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., na maparusahan ang sinumang mapatutunayang nagkasala sa pagpapatakas sa bansa kay Guo at kaniyang pamilya.


Sinabi naman ni Bureau of Immigration Commissioner Norman Tansingco na maituturing na breakthrough sa imbestigasyon ang pagkaka-aresto sa kapatid nitong si Shiela Guo at kay Cassandra Li Ong.

Makatutulong aniya ito sa kanilang operasyon para mahuli pa ang ibang pugante.

Nang matanong naman si Tansingco kung kumpiyansa itong mahuhuli na nila si Guo, muli nitong iginiit na ginagawa nila ang lahat para maibalik sa bansa ang dating alkalde.

Facebook Comments