Kumilos na agad ang Cyber Crime Division ng National Bureau of Investigation (NBI) upang matukoy kung sinu-sino ang nagpapakalat ng fake news.
Ang naturang hakbang ay ginawa ng NBI makaraang humingi ng tulong ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa NBI upang matunton ang mga nagpapakalat ng fake news na hindi umano mabibigyan ng ayuda at iba pang benepisyo ang lahat na hindi nagpabakuna laban sa COVID-19.
Una rito, nilinaw ni MMDA Chairman Atty. Benhur Abalos na walang katotohanan ang kumakalat, at nilinaw na hindi nakabatay sa pagkakaroon ng bakuna o wala ang pamamahagi ng ayuda.
Sa kaniyang liham kay NBI Officer-in-Charge Eric Distor, nais ni Abalos na hanapin ng NBI ang pinanggagalingan ng nasabing ulat at panagutin ang mga responsble.
Hiniling din ni Abalos sa NBI na sa sandaling mahuli ang mga nagpapakalat ng fake news ay kasuhan at ipakulong upang huwag pamarisan.