Walang nakikitang paglabag sa Data Privacy Act si Solicitor General (SolGen) Menardo Guevarra sa gitna ng pagpapatupad ng No Contact Apprehension Policy o NCAP.
Ayon kay Guevarra, hindi naman naa-access ng service provider ang mga classified at confidential records ng mga traffic violator mula sa Land Transportation Office Databank.
Paliwanag niya, protektado ang personal na impormasyon ng mga motorista dahil tanging ang awtorisadong indibidwal mula sa mga lokal na pamahalaan ang may direktang access sa database ng LTO.
Ang tanging papel lang aniya ng QPax ay magbigay ng mga kinakailangang kagamitan gaya ng high-speed digital cameras at kuhanan ang mga aktwal na paglabag sa batas-trapiko.
Maliban dito, hindi rin aniya maituturing na “unconstitutional” ang paghiling ng LGU sa LTO na suspendihin ang vehicle registration ng traffic violators hangga’t hindi nila nababayaran ang kanilang multa.
Agosto nitong nakaraang taon nang magpalabas ng Temporary Restraining Order ang Korte Suprema laban sa implementasyon ng NCAP sa Maynila, Muntinlupa, Parañaque, Quezon City at Valenzuela.
Kasunod ito ng pagkwestiyon ng ilang transport group sa malaking multa na ipinapataw sa ilalim ng NCAP at anila’y paglabag nito sa ilang mga umiiral na batas.