Davao City – Iniutos na ni Labor Secretary Silvestre Bello III ang pagpapalabas ng P30 million bilang tulong sa mahigit 2,000 empleyado ng nasunog na NCCC mall sa Davao City noong nakaraang linggo.
Bukod dito, tiniyak din ng DOLE ang zero displacement ng mga empleyadong naapektuhan ng sunog na ikinasawi ng 38 katao.
Magbibigay din ng tulong ang Bureau of Working Conditions, Occupational Safety and Health Center at Employees Compensation Commission sa mga ito.
Ayon sa DOLE, sakop ng P30 million ang emergency employment ng 2,000 workers at kanilang dependents sa loob ng 30 araw.
Sa naturang halaga aniya ay makakabenepisyo ang mga empleyado ng NCCC, SSI, at iba pang empleyado ng service providers.
Magbibigay din ang ECC ng P30,000 bilang burial assistance sa pamilya ng 38 biktima kabilang na ang grocery items at susundan ang P3,700 monthly survivorship pension sa mga pamilya ng biktima.